Uyayi

by - 8:25 AM

"Dear Mommy... Love, Jeanne." ~ Jeanne Obmasca, anak

Dalawang araw na ang nakalipas mula noong natanggap ko ang sulat mo na may kalakip na larawan. Dalawang araw ko na rin itong paulit-ulit na binabasa at pinapakita sa mga katrabaho ko. Sabi nila parang magkamukha raw tayo.

Halos tatlong taon na. Apat na taong gulang ka pa lang noong umalis ako. Pitong taong gulang ka na ngayon. Ganoon na katagal. Hinhahanap-hanap ko na ang mga ngiti mo.

Naisip ko, sana pala dinala ko 'yong litrato nating dalawa noong bininyagan ka. Natatawa ako tuwing naaalala ko na akala mo ay kuya mo ang karga kong sanggol. Mahal na mahal pa rin kita.

Gusto na uli kitang makita. Nakakalungkot din naman na hindi kita makasama. Nakakalungkot talaga. Wala nang tumatalon sa kama ko tuwing umaga. Wala na ring kumukuha ng make-up ko o nagpapalibre ng Mentos at Chuckie  sa 7-11. Hindi ko na rin naririnig ang pag-kanta mo habang nagmamaneho ako.

Naaalala ko pa tuwing isinasama kita sa kolehiyo ko. Milo (a.k.a. kape) lang ang katapat mo para hindi ka maging makulit. Ayaw mo pang kausapin ang propesor ko kahit nagpapapansin sa'yo. Wala ka namang masyadong pinapansin, kahit sa SM. Ako lang ang kalaro mo. Siguro ngayon marami ka nang kalaro kasi wala na ako.

Gusto na uli kitang isama mamasyal kahit kailangan kitang buhatin lagi palabas ng sasakyan dahil tinutulugan mo ako  tuwing pauwi na tayo. Gusto ko na uling magpakuha ng litrato sa'yo. Kung hindi siguro ako umalis, ang dami na nating naipong litrato. Baka propesyonal ka na ngayon kahit bata ka pa.

Sabi ni Ate Reides bago ako umalis, "Umiiyak ka na. Hindi mo pa anak 'yan."

Sabi mo naman sa 'kin, "I love you, Mommy."

Bahala na. Kahit hindi ako ang nag-luwal sa'yo sa mundo, basta ikaw ang Bebe ko.
_________________________________________________________________________________

*Sa kolehiyo. Nakakita kami ng nasagasaang palaka habang naglalakad.
Mommy: Bebe, alam mo ba yung frog prince?
Bebe: Hindi.
Mommy: Nakikita mo ba yang frog? Kapag hinalikan mo 'yan, magiging prince 'yan. Try mo.
Bebe: Ayoko nga.
Mommy: Sige na.
Bebe: Ikaw na lang. Try mo.
Mommy: Ikaw na. Hindi ko kailangan ng prince.
Bebe: Ayoko nga sabi eh! Ang kulit mo naman.

*Sa bahay. May crush na raw si Bebe.
Danzel: Ate Nini, tanungin mo si Bebe kung sino yung crush n'ya.
Ako: Aba! May crush ka na? Sino?
Bebe: Si Mark Enverga.
Ako: Governor 'yun ah.
Joza: Mana sa'yo. Lumalaking kikay.
Ako: Magaling pumili.

*Sa labas ng 7-11. Habang kumakain si Bebe ng Mentos na ang panulak ay Chuckie.
Bebe: Kuya _____! Kuya ______! (Hindi ko na babanggitin ang pangalan ng batang tinatawag n'ya.)
Ako: Danzel, sino ba yun?
Danzel: Yung kaibigan ko.
Ako: Ay! Yung crush n'ya maliban kay Mark Enverga.
Danzel: Yun nga.
_______________________________________________________________________________

Konti na lang gagawa na uli tayo ng bagong mga alaala.

You May Also Like

0 comments